ni Lolet Abania | January 25, 2022
Naka-detect na ang bansa ng tinatawag na BA.1 at ng BA.2 o ang ‘Stealth Omicron’, ang dalawang sub-lineages ng mas nakahahawang Omicron COVID-19 variant, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang BA.1 ay pinakakaraniwan sa mga returning overseas Filipinos (ROF) at sa Region V, habang pinakakaraniwan naman ang BA.2 sa mga local cases sa bawat rehiyon.
“Sa ngayon kailangan natin maipaalala at tandaan ng ating mga kababayan, walang nakitang clinical difference sa BA.1 at BA.2,” paliwanag ni Vergeire sa briefing.
“Kinakailangan pa rin po ng masusing pag-aaral dahil limitado pa rin ang ating mga obserbasyon na nakukuha dito,” giit ng opisyal.
Tinawag ng mga foreign scientists ang BA. 2 na “Stealth Omicron” dahil ito ay may genetic traits na ginagawang higit pang mahirapan na tukuyin ang virus gamit ang standard RT-PCR testing.
At dahil sa mahirap itong tukuyin, nangangamba ang mga eksperto na posible anila na kumalat na ito sa buong mundo nang hindi gaanong napapansin.
Sa ngayon, ang BA.2 ay na-detect na sa tinatayang 49 bansa at sa 17 states sa United States.
“Habang kinikilala ang BA.1 bilang dominanteng sub-lineage internationally, dumadami na rin po ang nade-detect na BA.2 sa iba’t ibang bansa,” sabi ni Vergeire.
Matatandaang sinabi ni Vergeire na ang World Health Organization (WHO) at ibang mga eksperto ay pinag-aaralan pa rin ang BA.2.
“Based on their initial findings and based on observing patients… wala naman masyadong difference with the Omicron as to the severity of illness,” ani pa ng kalihim.
Ang Pilipinas ay nakapagtala na ng kabuuang 535 Omicron cases.