ni Lolet Abania | March 5, 2022
Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na hindi pa kailangan na imandato ang COVID-19 booster shots sa publiko sa ngayon, habang anila, marami pang paraan para ikampanya ang isinasagawang vaccination drive sa bansa.
Ito ang naging tugon ng DOH, matapos ang suhestiyon ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na ang COVID-19 booster cards ay gawing mandatory sa mga establisimyento sa mga lugar na isinailalim sa Alert Level 1 o sa mga lugar na ang pag-administer ng mga primary series ng pagbabakuna ay natapos na.
Ngayong linggo, ang Metro Manila at 38 iba pang lugar ay isinailalim sa pinakamababang COVID-19 alert level system na kinokonsidera na ring nasa “new normal”, para makaahon na sa pagkalugmok ng ekonomiya ng bansa dahil sa pandemya.
“Naiintindihan natin kung saan... Ang perspektibo [ni Concepcion] gusto niya ng full protection pero sa ngayon, ang ating gagawin ay magbibigay tayo ng information at pakikiusapan ang business sector,” sabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa isang televised briefing ngayong Sabado.
“Ang gagawin natin ay i-strengthen natin ang advocacy . . . [Ang government agencies] at partners natin sa private sectors ay pag-iibayuhin ’yung communication and advocacy to increase the uptake of booster,” paliwanag ng opisyal.
Una nang sinabi ni Cabotaje na ang National Vaccination Days na gagawin ngayong buwan ay magpo-focus sa mga residential houses at workplaces o pinagtatrabahuhan, kung saan naging matagumpay ito sa ilang lugar sa bansa.
Aminado naman ang opisyal na nananatiling mabagal ang pagbabakuna kontra-COVID-19 nitong mga nakaraang linggo. Hanggang ngayong linggo, nasa tinatayang 63 milyong indibidwal ang fully vaccinated na o 70 percent ng target ng gobyerno na 90 milyong Pilipino. Nasa mahigit 10.1 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.