ni Lolet Abania | April 5, 2022
Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na dahil sa nalalapit na ang Semana Santa, dapat na iwasan ang paghalik sa mga altar at pagpapapako sa krus o crucifixions sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ang Mahal na Araw ay magsisimula na sa Linggo, Abril 10 hanggang Sabado, Abril 16.
“Itong virus na ito, alam po natin that it can be transmitted through droplet infection na maari na makapagpasa pasa… kung tayo ay hahalik sa isang puon na hinalikan paulit-ulit ng ibang tao,” paliwanag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang media briefing ngayong Martes.
Pinayuhan din ng DOH ang mga simbahan na pansamantalang huwag payagan ang mga ganitong gawain sa ngayon.
“Meron naman po tayong mga iba pang bagay o ano ba ways kung paano tayo makakapag-show ng ating devotion sa ating mga santo, sa ating mga pinupuntahang simbahan,” saad ni Vergeire.
“Sana po itong practice na ito maiwasan para hindi na tayo magkaroon ng pagtaas ng kaso kung saka-sakali dahil sa practice na ito,” giit ng opisyal.
Gayundin, dini-discourage ng DOH ang mga crucifixions o pagpapapako sa krus dahil maaaring magdulot ito ng pinsala sa isang indibidwal.
“Naiintindihan natin ‘yung ating mga paniniwala, ‘yung ating religion, and naniniwala po tayo na kanya-kanya po ang bawat tao sa kanilang relihiyon at kung paano gusto nilang ipakita ang kanilang pagsamba sa ating Panginoon,” ani Vergeire.
Babala ni Vergeire, ang crucifixions ay posibleng magdulot ng blood loss, tetanus, at iba pang uri in impeksyon.
“We request and we recommend no, a-advise po natin sa ating mga kababayan, kung maiiwasan naman po, maari naman po tayo, katulad ng sabi ko, sumamba sa ating Panginoon sa ibang paraan,” sabi pa ng opisyal.