top of page
Search

ni Lolet Abania | May 24, 2022



Asymptomatic lahat ang tatlong naging close contacts ng kauna-unahang kaso ng Omicron subvariant BA.4 na isang Pilipino na nanggaling sa Middle East, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Martes.


Sinabi ni Dr. Alethea de Guzman, officer-in-charge ng DOH Epidemiology Bureau, ang pasyente, na hindi pa nabakunahan kontra COVID-19 at asymptomatic, ay may travel history mula sa Qatar at South Africa.


Ayon kay De Guzman, nakumpleto naman ng returning Filipino worker ang kanyang mandatory quarantine na 14-day isolation mula Mayo 4 hanggang 18, bago pa naging close contact ang tatlong miyembro ng kanyang household, kung saan lahat sila ay asymptomatic at fully vaccinated na rin.


Ayon naman sa DOH, ang testing status ng mga close contacts ay kanila nang bineberipika. Una nang klinasipika ng European Center for Disease Prevention and Control (ECDPC) ang BA.4 bilang variant of concern (VOC), kung saan ito ay maaaring mas transmissible o “cause worse illness.”


Batay sa mga pag-aaral, ang sublineage ay maaaring hindi mag-cause ng severe COVID-19 symptoms kumpara sa ibang Omicron subvariants subalit posibleng mapuno ang mga ospital ulit dahil sa kanyang transmissibility.


 
 

ni Lolet Abania | May 24, 2022



Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng pagtaas ng bilang ng dengue cases sa Central Visayas ngayong taon.


Ayon sa DOH Region 7, umabot sa 3,177 ang mga kaso ng dengue sa lugar na nai-record mula Enero 1 hanggang Mayo 7. Ang Cebu Province, ang nangunguna na may pinakamaraming dengue cases na 1,132 na naitala, kasunod ang Cebu City na may 708, Bohol na may 468 at Lapu-Lapu City na may 444 kaso.


Hanggang noong Mayo 7, nasa 31 naman ang nasawi sa naturang sakit sa buong rehiyon. Naitala ang mga ito sa Cebu City na 11 ang namatay, 10 sa Cebu Province, 6 sa Lapu-Lapu City, dalawa sa Negros Oriental at dalawa sa Mandaue City.


Sinabi ni Dr. Mary Jean Loreche, tagapagsalita ng DOH-Region 7, ang mga nagdaang pag-ulan at bagyo ang ilan sa mga tinitingnan nilang dahilan ng pagtaas ng kaso ng dengue sa naturang rehiyon.


“Lahat ‘yan has affected actually the accumulation of these waters that are stagnant,” saad ni Loreche sa isang radio interview ngayong Martes.


Paalala naman ni Loreche sa publiko na paigtingin pa ang isinasagawang 4S strategy kontra dengue. Ang 4S strategy ay Search and destroy mosquito-breeding sites; Self-protection measures; Seek early consultation of symptoms; at Support spraying or fogging upang mapigilan ang pagdami ng mga kaso dengue.


 
 

ni Lolet Abania | May 23, 2022



Ibinasura na ng Department of Science and Technology (DOST) ang kanilang clinical trial kaugnay sa paggamit ng antiparasitic drug ivermectin para sa COVID-19.


Ayon kay DOST Secretary Fortunato dela Peña, nabatid na nahirapan silang kumuha ng ethics clearance hinggil sa pag-aaral nito at nagdesisyon na rin ang Department of Health (DOH) na gamitin ang humigit-kumulang na P48-milyon pondo sa ibang bagay.


“Ang pinaka-final decision namin ang recommendation ng Department of Health kasi sila rin naman ang nagrekomenda ng trials. Sila rin naman ang nag-recommend na itigil ang trials at i-save na lang ang almost P48 million for other purposes,” pahayag ni Dela Peña sa radio interview ngayong Lunes.


Sinabi ni Dela Peña na wala ring bagong impormasyon na available internationally sa ivermectin. “Ang grupo na binuo for our trial ay member din ng international network at ‘yun nga ang kanilang sinasabi, wala pang dumadating na anything that is clear na may benefits sa ivermectin,” saad ng opisyal.


Aniya pa, ilang pasyente ang nagawang lumahok sa clinical trial, habang ang mga suppliers ng ivermectin ay tumatangging makiisa sa pag-aaral kapag nabatid na nila ang kanilang layunin.


“Nahirapan kami kumuha ng supplier ng gamot. ‘Pag nalaman nilang gagamitin sa trial ay umaatras sila. Natatakot siguro sila ang effect ay makasira ang market,” paliwanag ni Dela Peña.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page