top of page
Search

ni Lolet Abania | June 2, 2022



Nasa tinatayang 200 kaso ng tuberculosis (TB) ang nai-record ng mga health officials sa lalawigan ng South Cotabato.


Ayon kay John Codilla ng integrated health office ng probinsiya, ang mga kasong ito ay na-detect matapos na magsagawa sila ng active case finding sa lugar.


“Ang direction kasi ng Department of Health is hanapin lahat ‘yung ating mga pasyenteng nagkaroon po ng tuberculosis,” ani Codilla.


“So sa first quarter po ‘yan. ‘Yung 200 po na nai-declare or nai-report po natin nu’ng, ngayong buwan lang po ‘yan, ay gawa po ng ating active case finding o pagbibigay po ng mga libreng x-ray doon sa ating mga geographically isolated and depressed areas,” sabi ni Codilla.


Sa ngayon aniya, nagbibigay sila ng libreng gamut sa mga bagong natukoy na tuberculosis patients.


“Libre po ‘yan na binibigay. ‘Yung lahat po ng ating munisipyo ay meron ng TB-DOTS facility, na may kakayahan din po na mag-detect ng iba’t ibang klaseng tuberculosis, hindi lang po doon sa baga kundi sa iba-ibang bahagi rin po ng kanilang mga katawan,”

pahayag ng opisyal.


Gayunman, sinabi ni Codilla na nahaharap sila sa problema kaugnay sa supply ng ilang mga medisina.


Ayon kay ni Codilla, may pondo ang provincial government para bumili ng mga gamot, subalit kailangan nila ng tulong ng national government para makuha ang mga ito ng probinsiya.


“Isa din natin hinihingi ‘no sa Department of Health sa central office, na kung pwede din natin matulungan din kami sa pagbaba din po ng supply galing diyan po sa Maynila,” paliwanag pa niya.


 
 

ni Lolet Abania | May 31, 2022



Limang karagdagang kaso ng Omicron subvariant BA.2.12.1 ang na-detect sa bansa sa Western Visayas region, ayon sa Department of Health (DOH).


Ito ang inanunsiyo ni Health Promotion and Communication Service Director Dr. Beverly Ho sa DOH briefing ngayong Martes na aniya, nabatid na tatlo sa mga bagong kaso ay fully vaccinated na mga returning overseas Filipinos (ROFs) mula sa United States.


Ayon sa DOH, na-detect din ang Omicron subvariant mula sa dalawang local cases na parehong fully vaccinated. Dahil dito, umabot na ngayon sa kabuuang bilang na 22 cases ang Omicron subvariant BA.2.12.1 sa bansa matapos na madagdag ang limang bagong kaso nito.


Mga locally-acquired ang 18 rito, kung saan 2 sa National Capital Region, 12 mula sa Puerto Princesa sa Palawan, at 4 sa Western Visayas. Habang ang 4 na infected ng virus ay mga ROFs na naninirahan sa Western Visayas.


Matatandaan na noong Mayo 17, kinumpirma ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang bansa ay naka-detect na rin ng local transmission ng Omicron subvariant BA.2.12.1, na may bagong kaso naman na natukoy sa Western Visayas region.


 
 

ni Lolet Abania | May 28, 2022



Ipinahayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na wala pang vaccine laban sa monkeypox ang inaprubahan o inawtorisa ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas.


Gayunman, sinabi ni Duque na sa ngayon nagkikipag-usap na ang DOH sa World Health Organization (WHO) kung saang bansa maaaring mag-procure ng monkeypox antivirals sakaling magkaroon ng outbreak nito sa bansa.


“Wala pang approval ng FDA natin, wala pang emergency use authorization. ‘Yan ang mga legal ng batayan para makapagpasok ng antivirals against monkeypox,” ani Duque sa isang radio interview ngayong Sabado.


Nitong Biyernes, sinabi ng DOH base sa WEHO, ang monkeypox vaccine ay hindi pa malawakang available na makukuha.


“The DOH is exploring all possible available sources and expedient legal methods for the procurement of Monkeypox vaccines,” pahayag ng DOH. “At present, the DOH is preparing supply chains and logistics services. There are ongoing internal discussions, based on scientific evidence, for the possible acquisition of antivirals in the event of an outbreak or severe cases,” dagdag ng ahensiya.


Sa nasabi ring interview, ayon kay Duque, inatasan na niya ang Pharmaceutical Division ng DOH na makipag-ugnayan sa Research Institute for Tropical Medicine at FDA upang maghanap ng posibleng available sources ng monkeypox vaccines.


Binanggit naman ni Duque ang posibilidad na gamitin ang Imvamune o Imvanex vaccine, kung saan may licensed na ito sa United States para mapigilan ang monkeypox o smallpox.


Ayon din sa DOH chief ang smallpox vaccines ay maaaring magbigay proteksiyon laban sa monkeypox dahil sa tinatawag na “cross-protection.”


“Maraming paraan para maiwasan ‘yan: strict border control, strict symptoms screening, minimum public health standards,” saad pa ni Duque.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page