ni Lolet Abania | June 25, 2022
Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ngayong Sabado ng 777 bagong mga kaso ng COVID-19, ang pinakamataas na single-day tally simula noong Marso.
Dahil dito, umabot na sa 3,700,028 cases ang nationwide tally habang ang bilang ng active cases ay umakyat naman sa 6,425 mula sa 6,068 nitong Biyernes, batay sa latest data ng DOH. Ani DOH, ang nai-record na bilang ng mga bagong kaso ngayong Sabado ay nalampasan pa ang tally nitong Biyernes na 770.
Ang mga top regions na may mga COVID-19 cases nitong nakalipas na dalawang linggo ay National Capital Region (NCR) na nasa 3,455 kaso, kasunod ang Calabarzon na may 1,211, ang Western Visayas na may 601, Central Luzon na nasa 460, at Central Visayas na nasa 310 cases.
Umakyat naman ang mga nakarekober na sa virus sa 3,633,096 cases, habang ang mga nasawi ay nananatiling 60,507.
Hanggang nitong Hunyo 23, ang bed occupancy rate sa bansa ay nasa 17.9%, na may 5,304 beds na okupado at nasa 24,325 naman ang bakante.
Ini-report din ng DOH na may kabuuang 19,068 indibidwal ang na-test nitong Hunyo 24, habang nasa 322 testing laboratories ang nag-submit na ng data.