ni Madel Moratillo | March 22, 2023
Naalarma na ang Department of Health (DOH) sa mistulang pagkakaroon ng epidemya ng obesity sa bansa.
Pangamba ni DOH OIC Maria Rosario Vergeire, maaari itong magdulot ng pagtaas ng mga kaso ng non-communicable diseases.
Batay sa survey, 1 sa bawat 10 batang Pinoy o katumbas ng 14% ay overweight.
Habang nasa 13% o 1 sa bawat 10 Pinoy adolescents ay obese na.
Ganito rin ang nakita sa mga matatanda o adult.
Batay aniya sa survey, 3 sa bawat 10 lactating mothers at 4 sa bawat 10 iba pang adults ay overweight.
Ayon kay Vergeire, ang pagkain ng hindi masustansyang pagkain at kawalan ng regular na mga pisikal na aktibidad ay pangunahing dahilan ng paglala ng problema sa obesity sa bansa.
Ayon sa World Health Organization, ang non-communicable diseases ay 70% dahilan ng kamatayan sa Pilipinas.
Nabatid na may 511,748 Pinoy noong 2019 ang namatay dahil sa non-communicable diseases.