ni Lolet Abania | June 22, 2021
Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na ang binitiwang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga indibidwal na ayaw magpaturok ng vaccine ay masidhing pagnanais lamang nitong mabakunahan na ang lahat ng mga Pilipino, sa kabila ng dapat ay may pahintulot muna ang isang indibidwal bago mabigyan ng bakuna.
“Ang ating bakuna ay [may] free and prior informed consent kaya kailangang magpirma sila ng consent para magpabakuna,” paliwanag ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa Laging Handa briefing ngayong Martes.
Ayon kay Cabotaje, nabigyan ng malalim na pakahulugan at nailagay sa kakaibang konteksto ang pahayag ni Pangulong Duterte nu'ng Lunes nang gabi na arestuhin ang ayaw magpaturok ng COVID-19 vaccine.
“I think it is born out of the passion and need of the President to emphasize the point na kailangang magpabakuna to help us move on para maproteksiyunan ang… one another,” ani Cabotaje.
“Ang sabi nga niya, ‘No one is safe until everyone is safe.’ He wants safe and effective vaccines for all Filipinos kaya ipinapatupad lang po ‘yung kanyang gustong mangyari dito sa ating bansa,” dagdag ni Cabotaje.
Ang naging pahayag ni P-Duterte kahapon ang pinakabagong pananakot niya na ipapakulong ang mga ayaw magpabakuna sa layong maipatupad ang tina-target na herd immunity sa Nobyembre.
Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra hinggil sa babala ni Pangulong Duterte, “Merely used strong words to drive home the need for us to get vaccinated and reach herd immunity as soon as possible.”
Samantala, mahigit na 6.2 milyong Filipino ang nabakunahan na hanggang nitong June 20.
Sa isang Social Weather Stations poll, lumalabas na 35% ng mga Pinoy ay nananatiling hindi sigurado kung magpapabakuna kontra-COVID-19.