ni Lolet Abania | July 9, 2021
Hindi pa inirerekomenda ng mga lokal na eksperto ang pagkakaroon ng isang booster COVID-19 shot dahil limitado pa ang datos nito, ayon sa Department of Health (DOH), matapos na ang American drugmaker na Pfizer ay nag-anunsiyong kakailanganin nila ang awtorisasyon para sa third dose ng kanilang bakuna.
“Ang kanilang rekomendasyon, hindi pa. Hindi pa natin ‘yan irerekomenda. Kailangan pa ng mas maraming ebidensiya para masabi natin that it’s going to be safe. Ang ating primary consideration dito is safety,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa briefing ngayong Biyernes at aniya, ang booster shot ay tinatalakay pa ng mga eksperto nito lamang Huwebes.
Paliwanag din ni Vergeire, ang pagkakaroon ng booster dose ay nakadepende sa itatagal o haba ng immunity na naibigay ng isang vaccine sa nakatanggap na indibidwal.
“Wala pang manufacturer na nakakapagbigay talaga ng eksakto na sinabi nilang, ‘Itong bakuna ko, hanggang anim na buwan lang at kailangan mo na muling ulitin.’ Wala pang ganu’ng ebidensiya,” ani Vergeire.
Nanawagan din si Vergeire para sa tinatawag na “solidarity” sa paghihintay na mabakunahan muna ang malaking populasyon ng bansa bago isipin ang pagkakaroon ng booster shots.