ni Lolet Abania | July 30, 2021
Inianunsiyo ng Department of Health na anim sa walong Delta variant na nasawi ay mga local cases.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga namatay sa Delta variant na kanilang naitala ay mula sa San Nicolas, Ilocos Norte (1), Balanga, Bataan (1), Pandan, Antique (1), Cordova, Cebu (2), Pandacan, Manila (1).
Ang dalawa pang nasawi sa Delta variant ay mga returning overseas Filipinos (ROFs).
Sinabi ni Vergeire na ang mga namatay ay nasa edad 27 hanggang 78, kung saan 5 sa kanila ay lalaki.
Tatlo naman sa mga ito ay nakumpirmang hindi pa nababakunahan kontra-COVID-19 habang ang 5 ay isinailalim sa beripikasyon.
“We are continuously validating and verifying,” ani Vergeire sa briefing ngayong Biyernes.
Samantala, binanggit ng kalihim na pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang posibleng community transmission ng mas nakahahawang Delta variant.
Aniya, ang community transmission ay pagkakaugnay ng mga kaso subalit hindi pa nila ito ma-identify.
“Sa ngayon, nakikita pa natin ang pagkaka-link ng mga kasong ito sa isa’t isa… pero siyempre, gusto pa rin nating maghanda dahil hindi po natin masasabi sa ngayon dahil hindi naman natin tine-test lahat ng merong sakit na positive sa COVID-19,” sabi ni Vergeire.
“We just need to act as if there is already this type of transmission happening in the country para mas maging cautious tayong lahat, meron tayong extra precaution. But for now, we cannot declare that because we need evidence for us to say that there is really community transmission of the Delta variant,” dagdag ng kalihim.
Sa ngayon, nakapagtala na ng 216 Delta cases sa bansa.