ni Eli San Miguel @News | Nov. 30, 2024
Photo: Department of Health
Iniulat ng Department of Health (DOH) na mas mababa ang bilang ng mga namatay dahil sa leptospirosis mula huling bahagi ng Oktubre hanggang unang bahagi ng Nobyembre ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong 2023.
Ayon sa DOH, may naitalang 594 na kaso sa buong bansa mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 9, 2024, na 2.5 beses na mas mataas kumpara sa 234 na kaso na naitala mula Oktubre 13 hanggang 26, 2023.
Iniuugnay ng DOH ang pagtaas ng mga kaso sa mga bagyong tumama sa bansa noong Oktubre, na nagdulot ng malawakang pagbaha sa maraming bahagi ng Pilipinas.
Gayunpaman, naitala ng DOH ang 9.12% case fatality rate (CFR) sa taong 2024, mas mababa kumpara sa 10.83% noong kaparehong panahon noong nakaraang taon.