ni Angela Fernando @News | July 17, 2024
Tinalakay ng 'Pinas kasama ang United States ang tulong sa seguridad, maayos na paggamit sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), at ang kahalagahan ng maritime domain awareness laban sa mga ilegal at delikadong pagkilos at agresyon.
Nakipagpulong si Gen. Charles Q. Brown, Jr., chairman ng US Joint Chiefs of Staff, kina National Security Advisor Eduardo Año, Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr., at Armed Forces Chief Gen. Romeo Brawner Jr. sa Manila.
Sa isang ulat na inilabas nitong Miyerkules, sinabi ng US Joint Chiefs of Staff public affairs office na tinalakay ng mga lider ang patuloy na pagsusumikap na palakasin ang alyansa.
Samantala, nagpalitan din ng kanilang pagsusuri ang apat na opisyal tungkol sa sitwasyon ng seguridad sa rehiyon, kabilang ang mga marahas na insidente sa Ayungin Shoal o West Philippine Sea (WPS).