ni Lolet Abania | March 17, 2021
Nakapagtala ang People's Television Network (PTV) ng kabuuang 19 active cases ng COVID-19 ngayong Miyerkules, ayon sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Mula sa dating 23 cases, naging 19 na aktibong kaso na lamang ng COVID-19 habang 84 na ang nakarekober sa nasabing istasyon at 2 ang namatay.
Una nang inanunsiyo ng PTV na hindi muna sila eere ng March 17 at magbabalik sa March 18, habang ang pagsasagawa ng regular na flagship program na Laging Handa Public Briefing at Ulat ng Bayan ay babalik on air sa Lunes, March 22.
Ito ay para sumailalim ang istasyon sa extensive disinfection dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases. Samantala, lima ang aktibong kaso sa PCOO habang tig-isa naman ang RTVM, Philippine Information Agency, News and Information Bureau, at Bureau of Broadcasting Service.
Nag-abiso na rin ang government radio station na Radyo Pilipinas na itinigil muna nila ang operasyon simula alas-3:00 ng hapon kanina habang muli silang eere bukas nang alas-6:00 ng umaga. Ito ay upang magsagawa rin ng disinfection sa announcer booth at master control room ng kanilang istasyon.