ni Lolet Abania | May 20, 2022
Nasa susunod na administrasyon na ang desisyon para ipagpaliban ang pagsasagawa ng barangay elections sa 2022, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
“The DILG will leave it to the wisdom of the incoming Congress and President if they will enact a law postponing the barangay and SK [Sangguniang Kabataan] election,” pahayag ni DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya sa isang mensahe sa GMA News ngayong Biyernes.
“Otherwise it would be held as scheduled in December 2022,” saad pa ni Malaya. Nitong Huwebes, sinabi ni House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez na mahigit sa P8 bilyong halaga ng savings ang matitipid kung ang barangay elections ngayong taon ay maipagpapaliban.
Matatandaang noong Nobyembre 2021, isang bill ang inihain sa House of Representatives na layong ipagpaliban ang December 2022 barangay at Sangguniang Kabataan elections na gawing Mayo 2024.
Si Romualdez, na pinsan ni presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay sinusuportahan ng mga prominenteng mambabatas at political parties para maging susunod na Speaker ng House of Representatives.
Una nang sinabi ni Marcos sa kanyang pangangampanya na sa halip na i-postpone ang barangay elections, isusulong niya ang pag-amyenda ng Local Government Code. Ayon pa kay Marcos, itutulak niya ang pagkakaroon ng 5-taong termino para sa mga barangay officials kapag nanalo siya sa pagka-pangulo.