ni Lolet Abania | November 16, 2020
Nagdeklara ng mga suspensiyon ng klase sa lungsod, ilang paaralan at unibersidad dahil sa pinsalang idinulot ng Bagyong Ulysses.
Una nang nag-anunsiyo kagabi ang Pasig City at Quezon City na walang pasok mula pre-school hanggang senior high school ngayong araw at bukas. Ipatutupad naman ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang “academic freeze” sa lahat ng kanilang eskuwelahan sa buong bansa, mula November 16 hanggang November 27.
Suspendido ang klase sa Bulacan sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong eskuwelahan ngayong Lunes, November 16.
Ilang unibersidad din sa Metro Manila ang mananatiling suspendido simula November 16 hanggang November 21, kabilang ang synchronous at asynchronous classes ng Ateneo de Manila University at University of Santo Tomas (UST).
Mula November 16 hanggang November 21, suspendido ang klase ng lahat ng synchronous at asynchronous pati na rin ang pagsusumite ng mga course requirements sa University of the Philippines (UP).
Mula November 16 hanggang November 21, suspended ang synchronous at asynchronous classes sa Far Eastern University High School.
Mula November 16 hanggang November 21, suspendido ang lahat ng synchronous classes sa University of the East, kabilang ang Graduate School at College of Law.
Nag-abiso naman ang De La Salle University sa lahat ng mag-aaral at guro na magkakaroon ng extension sa pagsusumite ng mga requirements.
Samantala, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), maaari pa ring magsuspinde ng klase ang mga lokal na pamahalaan kahit pa online o distance learning ang pag-aaral at ang kasalukuyang ipinatutupad na work-from-home.