ni Mary Gutierrez Almirañez | March 25, 2021
Prayoridad na ring mabakunahan kontra COVID-19 ang mga gobernador, alkalde at barangay captain katulad ng frontliners at uniformed personnel, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III ngayong araw, Marso 25.
Aniya, “Sila po ay considered nang A4. Noong Huwebes po, ako mismo ang nagrekomenda sa IATF through the Recovery Cluster sa IATF na iangat sila from B3 to A4. All 1,715 governors and mayors, and 42,046 barangay captains, inaprubahan po natin na iangat po ang kanilang classification.”
Batay sa kategorya ng pamahalaan, kapag natapos bakunahan ang frontline health workers na nasa A1 classification ay susundan iyon ng mga indigent senior citizens na nasa A2.
Samantala, kabilang naman sa A3 classification ang mga natitirang senior citizens at indibidwal na may comorbidities. Kasunod nito ang A4 classification kung saan kabilang ang mga gobernador, alkalde at barangay captain.
Kumbaga, mauuna silang bakunahan bago ang mga mahihirap na populasyong nasa A5 classification at ibang nasa B classifications.
Nauna na ring iniulat na nag-isyu ang DILG ng show cause order laban sa 5 alkalde na sumingit umano sa vaccination rollout, gayung hindi naman sila prayoridad.