ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 16, 2021
Tinatayang aabot sa 3.4 milyong benepisyaryo sa Metro Manila ang nakatanggap na ng cash aid o ayuda.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesperson Jonathan Malaya ngayong Biyernes, naipamahagi na ang P3.4 billion sa mga benepisyaryong lubos na naapektuhan ng ipinatupad na dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) Plus bubble.
Saad pa ni Malaya, “Gumanda na po, bumilis na po ‘yung ating pamimigay ng ayuda. Sa NCR po, 3.4 million beneficiaries na po ang ating nabigyan ng ayuda which is equivalent to P3.4 billion.”
Aabot sa 22.9 milyong benepisyaryo ang target ng pamahalaan na mabigyan ng ayuda sa NCR Plus na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ang naturang ayuda ay nagkakahalagang P1,000 kada tao ngunit hindi hihigit sa P4,000 sa kada pamilya na nawalan ng hanapbuhay nang ipatupad ang ECQ noong March 29 hanggang April 11.