ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 27, 2021
Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa posibleng pagpapatigil sa mga community pantries kapag nalabag ang mga ipinatutupad na health protocols sa bansa.
Pahayag ni Interior Secretary Eduardo Año, “Kung maba-violate [ang health protocols], ito ay ground para ma-stop natin ang community pantry, kasi ito’y puwedeng maging sanhi ng [COVID-19] surge."
Paalala rin ni Año sa mga organizers ng community pantries, makipag-ugnayan sa barangay na nakasasakop sa kanilang proyekto upang malimitahan ang risks ng pagkalat ng Coronavirus.
Saad pa ni Año, "Maglalabas kami ng advisory at memo sa mga [local government units] kung paano iha-handle nang mabuti ang mga community pantries na naging inisyatibo ng mga private sector at private individuals.”
Ayon kay Año, malaki ang papel ng pakikipag-ugnayan ng mga organizers ng community pantry sa mga LGUs dahil masisiguro ang seguridad at kaayusan kapag dumagsa ang mga tao.
Saad pa ni Año, “Sa coordination na ‘yan, ang LGU ay magiging malaki ang papel niyan. Kasi unang-una, siya rin ang puwedeng mag-determine kung saan ‘yung venue na gaganapin ‘yung distribution.
“At pagbibigay din ng security, peace at order kasi kapag dumagsa na ang mga beneficiaries, I don’t think kaya ng organizer na i-maintain ‘yung crowd.”