ni Lolet Abania | May 8, 2021
Posibleng masampahan ng kaso ang mga lokal na opisyal ng gobyerno dahil sa pagkabigo ng mga ito na ipagbawal ang mga mass gatherings sa kanilang lugar, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa isang statement ng DILG, ibinabala nito na ang pagkabigo ng mga local officials na ipatupad ang mga health protocols ay maaaring humantong sa tinatawag na administrative sanction o criminal charge for dereliction of duty sa ilalim ng Revised Penal Code.
“Maaaring administrative complaint or criminal case ang isampa laban sa pabayang LCEs (local chief executives). Hindi po gusto ng DILG na dumating sa puntong gawin ito, kaya sana ipatupad nang maayos ng LGUs (local government units) ang polisiya sa mass gatherings ayon sa quarantine classification sa kanilang lugar,” ani DILG Secretary Eduardo Año.
Batay sa guidelines ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19 noong April 15, ang pagtitipon sa labas ng mga tahanan at pagtitipon sa loob ng tirahan ay ipinagbabawal sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), modified ECQ (MECQ), at general community quarantine (GCQ).
Gayunman, ang mga gatherings ay pinapayagan ng hanggang 50 porsiyento ng seating o venue capacity lamang sa mga lugar na nasa modified GCQ (MGCQ), habang ang mga gatherings para sa itinatakdang government services at tinatawag na authorized humanitarian activities ay pinapayagan sa lahat ng lugar sa ilalim ng ECQ, MECQ, GCQ, at MGCQ.
Ipinagbabawal naman ang religious gatherings sa ilalim ng ECQ, habang pinapayagan ito sa MECQ para sa 10 hanggang 30 porsiyento ng seating capacity, depende rin sa regulasyong ipinatutupad ng lokal na pamahalaan.
Sa lugar na nasa GCQ, pinapayagan ito ng hanggang 30 hanggang 50 porsiyento habang sa MGCQ, pinapayagan ito ng hanggang 50 porsiyento ng seating capacity.
Ang mga necrological services o burol at libing ng namatay na hindi sa COVID-19 ay pinapayagan subalit limitado ito para sa mga miyembro ng pamilya sa lugar sa ilalim ng ECQ at MECQ, habang sa GCQ, pinapayagan ng 30 hanggang 50 percent capacity at sa MGCQ naman ay pinapayagan ng 50 percent ng venue capacity.
Ipinagbabawal pa rin sa mga lugar na nasa ECQ, MECQ at GCQ ang movie screenings, concerts, sporting events, entertainment activities, at work conferences, habang sa lugar na nasa MGCQ, pinapayagan ito ng hanggang 50 percent ng seating capacity subalit dapat na sumusunod sa ventilation standards.
Hinimok naman ni Año ang publiko na maghain ng kanilang reklamo laban sa mga tiwaling local officials sa DILG Regional Offices o sa DILG Emergency Operations Center at dilgeoc.complaint@gmail.com o tumawag sa (02) 8876-3454 local 881 to 884.