ni Lolet Abania | May 24, 2021
Ipinahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na wala pa silang naitatalang insidente hinggil sa mga politicians na ginagamit ang pandemya ng COVID-19 upang i-promote na ang sarili para sa halalan sa Mayo 2022.
Sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na wala pa silang na-monitor na lokal na opisyal na nagbibigay ng cash assistance sa mga mahihirap at nagsasagawa ng sariling vaccination program para sa pulitikal na pangangampanya.
“The position of the DILG has been very consistent. Any aspect of the COVID-19 response shall not be used for political purposes,” ani Malaya sa isang press briefing na inorganisa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ngayong Lunes.
Ayon kay Malaya, isang probisyon sa 2021 General Appropriations Act ang nagbabawal ng paglalagay ng pangalan, larawan at iba pang katulad nito ng mga public officials sa mga proyekto ng gobyerno.
“If ever there is such an incident, please report it to the DILG and we will investigate these local officials,” sabi ni Malaya.
Matatandaang nagbabala na rin sina Senador Richard Gordon at Senador Sonny Angara laban sa tinatawag na politicizing ng mga pulitiko sa kampanya ng pagbabakuna ng pamahalaan.