ni Lolet Abania | December 28, 2021
Naglabas ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Martes sa lahat ng local government units (LGUs) at mga ahensiya ng gobyerno na gumawa ng aksiyon laban sa paggamit ng ilegal na mga firecrackers o paputok at indiscriminate firing para sa nalalapit na selebrasyon ng Bagong Taon.
Sa isang statement, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na dapat tiyakin ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at LGUs na ang publiko ay sumusunod hinggil sa panuntunan na ipinatutupad sa mga paputok.
“Inaatasan ko ang PNP na doblehin ang pagmomonitor at pag-iinspeksyon para siguruhing hindi kakalat sa merkado at walang gagamit o madidisgrasya sa ilegal na paputok,” giit ni Año.
Ayon kay Año, ang PNP at LGUs, ang may responsibilidad na magpatupad ng mga national at local policies tungkol sa mga paputok upang maiwasan ang anumang disgrasya at mga insidente ng sunog.
Inatasan na rin ng kalihim ang PNP na arestuhin ang sinumang lalabag sa regulasyon sa mga firecrackers. May multang P20,000 hanggang P30,000, anim na buwan hanggang isang taon na pagkakulong, kanselasyon ng lisensiya at business permit, at pagkumpiska sa mga inventory stocks ang kanilang ipapatupad laban sa mga violators.
Nagbabala rin si Año laban sa paggamit ng mga firearms o baril para salubungin ang Bagong Taon.
“The DILG will not tolerate the use of firearms in welcoming the New Year. We will apply the full force of the law against those that will fire their firearms during the New Year.
Let’s welcome the New Year with clean hands and clean hearts,” sabi ni Año.
Tiniyak naman ng opisyal sa publiko na papanagutin at papatawan ng kaukulang parusa ng mga awtoridad ang sinumang mahuhuling nagsagawa ng indiscriminate shooting o walang habas na pagpapaputok ng baril.
Samantala, sa isang interview kay BFP spokesperson Fire Superintendent Annalee Carbajal-Atienza, sinabi nitong nagsasagawa sila ng kampanya laban sa paggamit ng ilegal na paputok.
“Ang ating pong mga firetrucks, ating kabomberuhan ay nag-iikot sa mga barangay and doing rekorida, pag-aanunsiyo at pagpapaalala,” ani Carbajal-Atienza.
Pinayuhan naman ng opisyal ang publiko na manood na lamang ng mga fireworks display sa mga inilaang lugar na inorganisa ng kanilang LGUs.
Sa ngayon, ayon kay Carbajal-Atienza wala pang iniulat na insidente ng sunog sanhi ng mga paputok.