ni Jasmin Joy Evangelista | January 30, 2022
Nagpaalala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units (LGU) na siguruhing hindi magiging superspreader event ng COVID-19 ang mga sabong.
Inatasan ni DILG Secretary Eduardo Año ang mga gobernador, alkalde, at iba pang mga kinauukulan na dapat ay magsagawa ng sound judgment, kaukulang aksiyon, at tiyakin na nasusunod ang mga ipinapatupad na health and safety protocols sa mga sabungan habang nagsasagawa ng cockfighting activities ang mga ito.
“Even if your area is under alert level 1 or 2, you still need to be cautious, disciplined and alert in resuming operations of cockfighting games. This is not the time to be complacent, because COVID-19 cases are still surging because of the Omicron variant,” pahayag ni Año.
Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2022-003, pinapayagan ang operasyon ng mga sabungan sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 2 o mas mababa, basta walang pagtutol mula sa mga LGU at mahigpit pa rin na nasusunod ang health protocols na ipinapatupad ng pamahalaan.
Tanging technology-based platforms at cashless betting lamang din ang pahihintulutan sa pagsasabong upang maiwasan ang pisikal na pagpapalitan ng cash sa mga sabungan.
Batay naman sa Resolution No. 154, series of 2021, ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, ang operasyon ng mga sabungan at traditional cockfighting ay papayagan lamang sa mga lugar na nasa alert levels 1 at 2.
“We are not yet out of the woods and we do not encourage mass gatherings, which could be superspreader events. Make sure you exercise extra caution before entering a cockpit or participating in cockfighting activities,” pahayag pa ni Año.