ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 19, 2021
Lima ang nasawi habang higit 200 pa ang may sakit matapos tumama ang diarrhea outbreak sa Monkayo, Davao de Oro ngayong linggo.
Saad ni Monkayo Mayor Ramil Gentugaya sa isang panayam ngayong Sabado, "As of last night, may 212 cases. Five ang patay. Isa sa mga nasawi ay three years old. ['Yung mga edad nila ay] 38, 41, 88, 78 and three years old na namatay kahapon nang umaga.”
Ayon kay Gentugaya, Miyerkules umano nang unang makaranas ng diarrhea ang mga residente. Karamihan umano sa mga ito ay hindi kaagad nagpatingin sa health center dahil sa takot na baka sintomas ito ng COVID-19, ani Gentugaya. Severely dehydrated na umano ang mga residenteng nag-report sa health center.
Aniya pa, "'Yung mga nag-report sa health center (na residente), malala na, severely dehydrated na.” Nabahala umano ang barangay kapitan nang sunud-sunod na ang mga tumatawag ng ambulansiya dahil sa diarrhea.
Saad ni Gentugaya, "Pinaikot niya 'yung BHW [barangay health workers] natin at doon nalaman na sa Pasian, mahigit 100 na ang may LBM.” Sa ulat umano ng mga residente, nakaranas sila ng sintomas ng diarrhea matapos uminom ng tubig.
Sa initial test results, napag-alaman na bacterial contamination mula sa tubig ang naging dahilan ng diarrhea. Ani Gentugaya, "Bacterial contamination ang lumabas na resulta sa tubig noong Wednesday." Kumuha na rin umano ng water samples upang masuri at imbestigahan ang water source ng mga apektadong residente at sa Lunes nakatakdang makuha ang resulta nito.