top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | January 11, 2023




Sinuri at idinaan sa test ng Department of Health (DOH) ang mga pinagmulan ng tubig sa Baguio City matapos pumutok ang diarrhea outbreak na meron ng 308 kaso sa loob ng 18 araw.


Lumabas sa imbestigasyong nagsimula ang pagtaas ng kaso ng diarrhea nu'ng Disyembre 21, 2023.


Ayon sa ahensya, patuloy ang kanilang pagsusuri sa tubig sa lungsod at kanilang hinihikayat ang publiko na gumamit ng malinis na tubig para sa kanilang inumin, pagluluto, paghuhugas ng pinggan at pagsisipilyo.


Kanila ring inudyukan ang publiko na mag-ulat sa kung anumang pagbabago sa kulay o amoy ng tubig sa kanilang gripo sa bahay.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | February 4, 2022



Umabot na sa dalawa ang patay habang 408 ang nagkasakit dahil sa diarrhea outbreak sa Caraga, Davao Oriental.


Ang mga nasawi ay isang 11-buwan na sanggol at 57-anyos na lalaki, habang mayroong mga isinugod sa ospital dahil sa malubhang dehydration, ayon sa mga lokal na awtoridad nitong Huwebes.


Ayon pa sa awtoridad, kumalat sa 6 na barangay sa Caraga ang outbreak.


Nagtayo ng maliit na pagamutan ang lokal na pamahalaan at nanatili sa mga health center ang mga pasyente para matutukan ang kanilang kalagayan.


Posible umanong ang maruming tubig sa lugar ang dahilan ng pagkakasakit ng mga residente.


“May mga gamot tayong pinadala, na kung saan pwedeng ilagay sa tubig para pwedeng mainom. So, no need magkaroon ng rasyon ng tubig dahil tine-treat na natin 'yung mga tubig na iniinom nila,” pahayag ni Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang.


Ayon pa sa gobernadora, magpapatupad na sila ng regular na paglilinis sa mga water reservoir para masiguro ang kaligtasan ng mga residente.


Noong Oktubre 2021 ay nagkaroon din ng diarrhea outbreak sa bayan ng Caraga kung saan 80 ang naapektuhang residente at isa ang positibo sa cholera.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 17, 2021



Idineklara ang diarrhea outbreak sa Barangay Tulalian, Davao del Norte ngayong Sabado matapos maitala ang 171 cases sa naturang lugar at isa ang pumanaw.


Kaagad inatasan nina Mayor Ernesto Evangelista at Municipal Administrator Atty. Elisa Evangelista-Lapiña ang Municipal Health Office (MHO) na pinangunahan ni Dr. June P. Lim na magpadala ng mga personnel para sa atensiyong medikal ng mga residente.


Ayon kay Lim, na-diagnose ang mga residente ng Acute Diarrhea Secondary to Amoebiasis at sa 171 naitalang kaso, 24 cases ang binubuo ng mga edad 1 hanggang 5, 43 cases ang binubuo ng anim hanggang 15-anyos, 29 cases ang binubuo ng 16 hanggang 25-anyos, 27 cases ang binubuo ng 26 hanggang 40-anyos, at 48 cases ang binubuo ng 40-anyos pataas.


Ayon sa MHO ngayong Sabado, binawian ng buhay ang isang residenteng 58-anyos na lalaki na nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, at pagtatae.


Nasa 47 residente naman ang isinugod sa ospital.


Samantala, ayon sa ulat ng Environment Sanitation Report ng MHO Sanitation Team, posibleng kontaminadong tubig ang dahilan ng insidente dahil sa “poor chlorine disinfection” sa water source ng lugar.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page