ni Lolet Abania | November 26, 2021
Magsisimula nang tumanggap ang Pilipinas ng mga fully vaccinated na dayuhan na papayagang manatili sa bansa ng walang visa pero sa limitadong panahon lamang.
Sa isang press briefing ngayong Biyernes, ayon kay acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, ang bagong polisiya na inaprubahan ng COVID-19 task force ng gobyerno ay ipapatupad mula Disyembre 1 hanggang 15.
Ang listahan ng mga bansa, kung saan ang mga mamamayan nito ay maaaring maka-avail ng kanilang visa-free privileges, ay makikita sa website ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa ilalim ng guidelines, iyong mga papayagang makapasok sa bansa ay kailangang may hawak na passports na valid ng humigit-kumulang na anim na buwan sa panahon ng pagdating nito at mayroong return o outbound tickets ng kanilang bansang pinagmulan o susunod na bansang destinasyon.
Bago dumating ng Pilipinas, kailangan na ang foreign national ay eksklusibong namamalagi sa “green” list countries o teritoryo ng 14 na araw. Ang mga lugar sa ilalim ng green list ay itinuturing na nasa low-risk para sa COVID-19 transmission.
Gayundin, dapat na magprisinta ng patunay ng kanilang vaccination.
Para sa mga fully vaccinated na dayuhan, isang negative RT-PCR test ang required na kunin sa loob ng 72 oras bago pa ang departure nito mula sa bansang pinagmulan.
Sa pagdating sa bansa, wala nang facility-based quarantine at wala na ring on-arrival RT-PCR test na kailangan, subalit ang mga passenger ay dapat na mag-self-monitoring para sa anumang sintomas hanggang 14 na araw, kasama na rito ang unang araw ng pagdating sa bansa.
Ang mga biyahero na transiting naman sa pamamagitan ng non-green list countries o teritoryo ay hindi itinuturing na nagmula o bumisita sa naturang lugar kung nanatili sila sa airport sa buong panahong iyon at hindi sila cleared para makapasok ng immigration authorities.
Ang testing at quarantine protocols ng mga menor-de-edad ay dapat na sumunod sa protocols ng mga magulang o guardian na nagta-travel kasama nito.
Ang guidelines ay nabuo isang linggo matapos na ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ay inaprubahan in principle ang pagpasok ng mga turista na mga fully vaccinated kontra-COVID-19 mula sa mga bansa sa ilalim ng green list.
Matatandaang isinuspinde ang visa-free privileges nang unang buwan noong nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic.