ni Lolet Abania | February 25, 2022
Umabot sa kabuuang 181 Pilipino ang nagpabatid ng kanilang kinaroroonan sa Ukraine sa gitna ng tensyon na dulot ng pag-atake ng Russia sa naturang bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
“We have accounted for 181 Filipinos, sila po ‘yung nagparamdam sa ating embahada at nagsabi kung nasaan sila, ngayon nakauwi na po ‘yung anim, kahapon po dapat apat ‘yung aalis pero hindi po natuloy dahil nagsarado po lahat ng airports ng Ukraine,” pahayag ni DFA Undersecretary Sarah Lou Arriola sa Laging Handa public briefing ngayong Biyernes.
“As of now there are 37 Filipinos on the road, on the way to Lviv actually eventually for repatriation,” sabi pa ng opisyal.
Tiniyak naman ni Arriola sa publiko na tinututukan ng DFA ang sitwasyon sa Ukraine at handa silang asistihan ang mga Pilipino sa gitna ng tensyon doon. Aniya, ang imposisyon ng mandatory repatriation para sa mga Pilipino na naroon ay agad na ipapabatid naman ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr.
“Doon po sa ating mga kababayan sa Ukraine, kailangan po talagang makipag-ugnayan kayo sa Philippine Embassy at honorary consulate para mabigyan po namin kayo ng tulong, tulong po either repatriation, care packages, or financial assistance during this time of need,” paliwanag ni Arriola.
Sa ulat, ang mga Russian missiles ay ni-launched sa mga Ukrainian cities matapos na si President Vladimir Putin ng Russia ay magpakawala ng isang full-scale ground invasion at air assault laban sa Ukraine.
Agad namang nagtungo si Locsin sa Ukrainian border para tiyakin ang kaligtasan ng mga Pinoy doon at pangasiwaan ang sakaling pagre-relocate o repatriate ng gobyerno sa kanila sa Pilipinas.
Sinabi ni Locsin na sumang-ayon na ang Poland na payagan ang mga Pinoy na pumasok sa kanilang bansa kahit na walang visas kapag umalis na ang mga ito sa Ukraine.
Ayon pa sa DFA, tinatayang nasa 380 Pilipino ang naninirahan sa Ukraine, karamihan sa mga ito ay nasa capital Kyiv.