top of page
Search

ni Lolet Abania | May 22, 2022



Inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Sabado na papayagan nila ang mga kababayang Muslim na nagnanais na makiisa sa hajj pilgrimage sa Saudi Arabia na gaganapin ngayong taon, na gamitin ang courtesy lane ng kanilang consular offices para sa pagpoproseso ng kanilang passport.


Ayon sa DFA, ang courtesy lane ay bukas sa mga Muslim Filipinos para sa walk-in accommodation mula Mayo 23 hanggang Hunyo 3.


Sa mga nagbabalak na maka-avail ng courtesy lane accommodation, kailangan nilang magpakita ng certificate of Muslim Filipino tribal membership (CTM) na inisyu ng National Commission on Muslim Filipinos.


Gayundin, dapat iprisinta ng CTM na ito ay inisyu para sa layunin ng hajj visa application.


Sinabi pa ng DFA, ang mga passport applicants ay dapat mayroong kinakailangang documentary requirements na nakalista sa kanilang website.


Dagdag pa rito, lahat ng passport applications ay susuriin munang mabuti ng DFA, bago pa ang passport issuance.


 
 

ni Zel Fernandez | April 27, 2022



Kasabay ng muling pagbubukas ng foreign employment sa bansa, muling pinaalalahanan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa implementasyon ng Expanded Compulsory Insurance para sa mga balik-manggagawa at direct hires.


Batay sa Department Order No. 228, Series of 2021, o ang Expanded Compulsory Insurance Coverage for Rehires at Direct Hire ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Memorandum Circular No. 10 na nilagdaan ni POEA Administrator Bernard Olalia, ipinatutupad ang mandatory insurance bilang pagbibigay-proteksiyon sa mga manggagawang Pinoy na nagtatrabaho, abroad.


Ayon sa kawani, ang pagkakaroon ng insurance sa panahong ito ay makatutulong na magbigay ng seguridad sa mga migranteng manggagawa sa gitna ng pandaigdigang krisis sa kalusugan; saklaw ang insidente ng kamatayan, kapansanan at iba pang medical emergency.


Gayundin, sakop ng insurance policy ang repatriation o deportation ng mga OFWs, kabilang ang transportasyon ng mga personal na gamit kapag napatunayang ang manggagawa ay tinanggal ng employer sa kanyang trabaho nang walang wasto o makatarungang basehan.


Sa inilabas na abiso ng DMW, ibinahagi nito ang listahan ng mga insurance companies na accredited na ng Insurance Commission (IC) ng POEA para mag-alok ng OFW insurance.


Kabilang sa mga tinukoy ay ang Paramount Life & Insurance Corporation, Fortune General Corporation, Pioneer Insurance & Surety Corporation, MAPFRE Insular Corporation, UCPB General Insurance Company Inc., Stronghold Insurance, at Philippine British Assurance Company, Inc.


 
 

ni Zel Fernandez | April 23, 2022



Ibinalita ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Abril 22, kahapon, na isang smart city ang itatayo ng Korea Land & Housing Corporation (LH) sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.


Pirmado na ng government-owned Clark Development Corporation (CDC) at Korea Land & Housing Corporation (LH) ang smart city memorandum of understanding (MOU), sa pangunguna ni CDC President Manuel Gaerlan sa Philippine delegation sa signing ceremony na sinaksihan nina Philippine Embassy Economic Officer and Third Secretary Reisha Olavario at Commercial Counselor Jose Ma. Dinsay noong Abril 15, sa Songdo International Business District sa Incheon province, 30 kilometers southwest ng Seoul, South Korea.


Batay sa pinirmahang MOU, ipinahayag na ang LH ay magtatayo ng smart city na konektado sa Clark International Airport, na kalaunan ay magiging isang logistics hub na mayroong imprastruktura para sa tourism, recreation, at aviation maintenance.


Ani Gaerlan, inaasahan niya ang “technology sharing” sa pamamagitan ng MOU, partikular ang Korea communications network na gagamitin ng LH Urban Development para sa K-Smart City Development.


Hiwalay ding nakaharap ni Philippine Ambassador to South Korea, Ma. Theresa de Vega, ang mga CDC officials upang talakayin ang planong Manila-Seoul cooperation projects at investment promotion sa Clark Freeport Zone, sa hinaharap.


Ayon sa DFA, ang makabagong smart city ay gagamit umano ng artificial intelligence at malaking data para maproseso nang real-time ang mga impormasyon na kokolektahin sa pamamagitan ng mga sensors, at gagamitin naman ng mga city operators para mag-analyze ng mga datos para sa mga plano sa hinaharap.


"The Smart City MOU is a leap forward in the Philippines' shift to the 4th Industrial Revolution and a testament to the Philippines and Korea's shared ideas on prosperity in the Asia Pacific and our increased economic cooperation," pahayag ng DFA.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page