ni Mylene Alfonso | May 11, 2023
Plano ng National Bureau of Investigation (NBI) na ipakansela sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pasaporte ng suspendidong si Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves, Jr., na patuloy na nagtatago.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na maghahain ang NBI ng kanselasyon ng passport sa DFA, ang NBI sa sandaling maisampa na ang kasong murder kay Teves bilang mastermind sa pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa.
“When the other charges are filed, we will file for the cancellation of his passport,” sabi ni Remulla.
Nabatid na si Teves ay may pasaporte na iba ang nationalities.
Posibleng sa Lunes ay maisampa na ang kaso laban kay Teves.
“We can cancel the passport. Pero may hawak na ibang passport 'yan. May hawak pa 'yan na ibang passport… may hawak pa, ibang nationality, may hawak 'yan,” dagdag pa ni Remulla.
Matatandaang noong Martes, inihayag ni Remulla na pumasok si Teves sa Timor-Leste upang humingi ng political asylum.
Nabatid na palipat-lipat umano si Teves ng lugar at posibleng pumasok din sa South Korea.