ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 4, 2023
Inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Sabado ang paglikas ng 20 Pinoy na stranded sa Gaza, patungo sa Egypt sa pamamagitan ng Rafah Crossing sa Linggo.
Sa Saturday News Forum sa Lungsod ng Quezon, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega, “The first batch of Filipinos [will be] leaving tomorrow… There will be 20 of them. Then afterwards it could be the next day or next two days, a batch of 23… so far only 43 now of the Filipinos have signified that they definitely want to leave Gaza.”
Ayon sa kanya, ang 43 Pilipino na tumawid sa border patungong Egypt ang susunduin ng Embahada ng Pilipinas sa Cairo, at sa loob ng 72 oras, kinakailangang umalis sila dahil transit visa lamang ang kanilang hawak.
Inihayag ng opisyal ng DFA na naabisuhan ang Pamahalaang Pilipinas mula sa kanilang katuwang sa Israel na kinukumpirma na binigyang-pahintulot o clearance na lumisan ang lahat ng 136 Pilipino sa Gaza sa gitna ng kaguluhan sa pagitan ng mga Israeli forces at ng militanteng grupo na Hamas.