ni Angela Fernando @News | Nov. 20, 2024
Photo: Mary Jane Veloso - Reuters photo
Wala pang pormal na kasunduan sa pagitan ng 'Pinas at Indonesia hinggil sa repatriation ng Pilipinang nasa death row na si Mary Jane Veloso, ayon sa isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules.
"If you mean may written agreement, wala pa yung sagot. Pero sila mismo ang pumunta sa atin to talk about this, so we’re extremely confident it will happen," saad ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa isang press briefing sa Malacañang.
Ito ay nagsilbing tugon ni De Vega bilang sa tanong kung pinal na ang pagbabalik ni Mary Jane Veloso sa bansa, na inanunsyo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kaninang umaga, dahil patuloy pa rin ang mga negosasyon ukol dito.
Sa parehong press briefing, nilinaw naman ni Justice spokesperson Mico Clavano na hinihintay pa ng bansa ang pormal na tugon ng gobyerno ng Indonesia sa kahilingan para sa repatriation ni Veloso.
Magugunitang nu'ng nakaraang linggo, sinabi ng Coordinating Ministry for Legal, Human Rights, Immigration, and Correction (Kemenko Kumham Imipas) ng Indonesia na kanilang isinasaalang-alang ang opsyon ng "transfer of prisoner" o paglilipat ng bilanggo para sa mga dayuhang nakapiit, kung saan kabilang si Veloso.