ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | September 5, 2024
“Wala pang nagbibigay sa ‘kin ng (script) na, ‘Wow, ang ganda nito, gusto kong gawin,’” ang sagot ng aktor na si Derek Ramsay sa tanong ng kaibigan niyang si Morly Alinio sa vlog nito na Ito ang Tondo na napapanood sa YouTube (YT).
Tinanong kasi ng vlogger kung gagawa pa ba ng pelikula si Derek dahil huli niyang pelikula ay ang Kampon noong 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF).
“So, wala pang magandang script? Nag-aantay ka lang ng magandang script?” tanong ni Morly.
“Hindi ako nag-aantay, if it’s meant to be, it’s meant to be. ‘Pag wala, wala talaga,” saad ng aktor.
Inamin ni Derek na mapili siya ngayon sa paggawa ng pelikula.
Aniya, “Sobra, pangalan ko ‘yun, eh. You manage your career, kung anu-ano na lang ang ginagawa mo, parang (‘di na okey).”
Hirit ni Morly, “Ibubulgar ko lang ‘tong friend ko kasi nagsasawa na s’ya sa mga roles na kabit s’ya. Hahaha!”
Inamin din naman ng aktor na nagkasunud-sunod ang sexy roles niya pagkatapos mag-hit ang No Other Woman (NOW) kasama sina Cristine Reyes at Anne Curtis noong 2011 na kumita ng almost P300 million.
“My next movies, ganu’n na naman ang tema, kaya sabi ko, ‘My God, this has to stop.’ Kaya sinubukan kong mag-heavy drama na rom-com, ‘yung English Only Please (EOP) at All of You (AOY), nanalo ako ng Best Actor du’n (MMFF),” sabi ng aktor.
Nabanggit ni Morly na kahit matagal na hindi aktibo sa showbiz si Derek, hinahanap pa rin ito dahil sa hitsura nitong lalaking-lalaki at walang bahid ng kabadingan, na ikinatawa naman ng aktor.
“Ano'ng isasagot ko ru’n? Eh, lalaki naman talaga ako, hindi ko naman inaarte lang? Mahilig ako sa sports, simple akong manamit. Kung mananamit ako, mananamit ako, pero lalaking-lalaki pa rin at hindi ko idinadaan sa accessories at hindi ako takot sa araw,” tumatawang esplika ni Derek.
Tumatawang dagdag naman ni Morly na nagpakita ng butt si Derek sa ilang pelikula nito at mabuti hindi siya nauwi sa pagiging sexy actor.
“Hindi ko kaya," natatawang sabi ng aktor sabay muwestra sa kamay ng "no-no".
At dito na tinanong ni Morly, “Lalaking-lalaki ang awrahan mo, what if nangyari sa ‘yo ‘yung mga sexual harassment na usung-uso ngayon? Ano kaya ang magiging reaksiyon mo kung ikaw ‘yung (hinarass)?”
“Ah, simple, upper cut," sabay muwestra, "left hook. Very simple, ganu’n kaagad.
“You know, life is full of choices. Hindi ako homophobic, magkaibigan tayo. I’m very comfortable with you, I love the gay community, pero you have to respect my boundaries na akala mo, magaganu’n mo ako or anything, ‘di ba? I won’t respect your boundaries, ‘tong (ipinakita ang kamao) ang babalik sa ‘yo. Sapak talaga, that’s disrespectful na,” esplika ng aktor.
Tinanong ni Morly kung ano ang nararamdaman ni Derek para sa mga kabataang naging biktima ng sexual harassment. Hindi man binanggit ni Morly ang pangalan ay patungkol ito kay Sandro Muhlach na kasalukuyang dinidinig ang kaso sa Senado, bukod pa sa nagsampa na siya ng reklamo sa Department of Justice o DOJ.
“It’s really, really sad as a father. Imagine mo anak mo, ma-sexual harass nang ganu’n? I wouldn’t know what to do or how I would react to this to see my baby that got abused that way. But for anyone who experienced it, for me, my advice to you, you get the courage to speak out.
“Kasi ‘yan ang problema, ‘yung mga victims, takot magsalita. Kasi for them, they’re gonna feel like they’ve been embarrassed. So for me, my advice to them is have the courage to speak out kasi kakainin ka n’yan, eh.
“And these people who prey on young innocent kids, they should be punished. Pero very delicate situation kasi ‘yan, friend, kasi he said, she said, right?” esplika ni Derek.
Sundot ni Morly, “Hindi madaling patunayan.”
Sey pa ni Derek, “Kaya nga hirap for victims to speak out kasi baka gawin pang sila ‘yung masama. But it’s better to speak out than just keep quiet.”
May respeto ang aktor sa mga biktima ng ganitong pangyayari at hindi niya dyina-judge ang mga ito. Ang problema lang ay bakit hindi sila lumalabas para magsalita kaya bilib din siya sa mga may lakas ng loob kung ano'ng ginawa sa kanila.
Ibang kuwento naman daw ‘yung ginusto ng isang baguhan sa showbiz na magamit ang katawan niya para sumikat.
“That’s true and that happens especially in the industry that’s why you have life's choices to make,” saad ng aktor.