ni Thea Janica Teh | September 1, 2020
Nagsimula nang mamahagi ng learning materials ang Department of Education ngayong Martes sa mga estudyante ng public school na mag-aaral sa kanilang bahay ngayong darating na pasukan.
Ayon kay Malcolm Garma, director ng National Capital Region (NCR) DepEd Office, ang maagang pamamahagi ng learning package ay paraan ng kagawaran upang mas mapaghandaan ang pagsisimula ng klase sa October 5.
Aniya, "We have scheduled the actual distribution of the learner packages starting September 1 and would last up until September 15.”
Pinaghandaan na ng DepEd NCR ang pamamahagi ng modules sa capital region kung saan ito rin ang epicenter ng COVID-19 pandemic sa bansa. Ito rin umano ay paghahanda kung sakali mang mapalitan muli ang quarantine status ng NCR.
May ilang guro at non-teaching personnel ang kinakailangang mag-report physically sa mga opisina upang i-deliver ang learning materials ngunit dadaan muna ang mga ito sa medical screening.
Pinaalalahanan naman ng DepEd na maaari ring gumamit ng ibang learning materials ang paaralan bukod sa self-learning modules (SLM) basta ito ay nakapailalim sa revised basic education curriculum.
Sa darating na school year, ang mga estudyante ay mag-aaral sa kani-kanilang bahay gamit ang printed at digital modules, online classes, television at radio dahil mananatiling sarado ang mga paaralan dahil sa banta ng COVID-19.