ni Lolet Abania | June 15, 2021
Ipinahayag ng Department of Education (DepEd) na ang pagbubukas ng klase para sa School Year 2021-2022 ay posibleng sa Agosto o sa una o ikalawang linggo ng Setyembre.
Sa Laging Handa public briefing ngayong Martes, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na ipinrisinta na nila ang panukala sa pagbubukas ng klase kay Pangulong Rodrigo Duterte para aprubahan ito.
“Kailangan, may choice naman dahil siya ang magdi-decide, bibigyan namin siya ng tatlong choices. ‘Yung August na sang-ayon talaga sa existing law, at saka kung mag-extend siya up to September, first week or second week,” ani Briones.
Matatandaang iminungkahi ng DepEd na gawing August 23 ang pagbubukas ng School Year 2021-2022 subalit nagbigay pa rin sila ng opsiyon habang ang Pangulo pa rin ang may pinal na desisyon hinggil dito.
Binanggit naman ni Briones na nagkakaisa sina Pangulong Duterte at kanyang Cabinet na payagan na ang face-to-face classes sa mga piling eskuwelahan na naging panukala na rin ng DepEd, subalit ito ay na-recall dahil sa mga reports ng bagong COVID-19 variant sa United Kingdom.
Ayon pa kay Briones, ang Delta variant na unang na-detect sa India ang isa rin sa mga isyung pinagtutuunan ng pansin ngayon tungkol sa pagbubukas ng klase.
“Ang Department of Education, kung siya ay magbibigay ng advice sa presidente ay kailangan ding kumonsulta sa IATF, sa Department of Health, dahil ang expertise ng mga pag-aaral nila sa variant na ito ay sinabing ‘very dangerous’,” sabi ni Briones.
Aniya pa, ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), ang policy-making body ng gobyerno na siyang tumutugon sa pandemya ng COVID-19.
“Kung talagang mahirap i-control itong bagong variant, nandiyan naman ‘yung ating ibang paraan. Hindi na natin gagamitin ‘yung face to face... ang gagamitin largely will be technology,” saad pa ng kalihim.