ni Lolet Abania | May 3, 2022
Nasa kabuuang 25,668 o 56.89% ng mga pampublikong paaralan habang 676 pribadong paaralan sa buong bansa ang nakabalik na sa on-site classes sa gitna ng pandemya ng COVID-19, ayon sa Department of Education (DepEd).
Batay sa kanyang presentasyon, sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipinalabas ngayong Martes, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na inaasahan nila ang 5,948,640 estudyante sa pampublikong paaralan mula sa lahat ng grade levels na makikilahok sa face-to-face classes.
Binanggit ni Briones na ang naturang bilang ay nasa 25.61% ng 23,230,898 kabuuang enrollees sa sektor ng pampublikong paaralan ng kasalukuyang academic year.
Sa kabila nito ayon kay Briones, nananatili ito na isang “hamon” para sa DepEd, kung saan nasa 676 pribadong paaralan lamang o 5.47% ng kanilang kabuuang bilang ang nagpatuloy sa in-person learning. Nasa tinatayang 226,991 estudyante o 7.09% ng mga private school learners ang inaasahang lumahok dito.
“It is ironic that at the height of the debates on face-to-face schooling, there were many demands for face-to-face, but now that we have approved it, there are only 676 private schools opening face-to-face,” saad ni Briones.
Ipinunto naman ni Deputy Chief Implementer Vince Dizon ng National Task Force Against (NTF) COVID-19 na maraming mga rason kung bakit mayroong tinatawag na “resistance” mula sa mga pribadong paaralan para magsagawa muli ng in-person classes.
“The most compelling of which is that some parents in the private schools are still quite apprehensive about letting their children go back to face-to-face classes, which of course is the right of every parent,” paliwanag ni Dizon.
Sa lahat-lahat, mayroong 6,175,631 estudyante ang sumabak sa F2F classes sa 26,344 paaralan sa buong bansa, ayon pa sa DepEd.