ni Madel Moratillo @News | August 4, 2023
Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na sa Agosto 29 magsisimula ang School Year 2023-2024 para sa lahat ng pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya.
Ito ay sa gitna ng panawagan ng iba't ibang grupo maging ng mga mambabatas na maibalik ang pagbubukas ng klase sa dating school calendar bago ang COVID-19 pandemic.
Kasunod ito ng reklamo na sobrang init sa mga classroom dahil summer season ang klase.
Bago ang pandemya, karaniwang unang linggo ng Hunyo nagbubukas ang klase habang Abril at Mayo ang bakasyon.
Para naman sa mga nasa pribadong paaralan, batay sa Republic Act No. 11480, puwedeng magdesisyon kung kailan magbubukas ng klase pero ito ay mula unang Lunes ng Hunyo at hindi lalagpas sa huling araw ng Agosto.