ni Mary Gutierrez Almirañez | February 18, 2021
Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian ang Teacher Education Council Act sa ilalim ng Senate Bill No. 1887.
Nakasaad sa kanyang Twitter account noong ika-16 ng Pebrero, ito ay repormang magpapatibay sa Teacher Education Council at National Educators Academy of the Philippines (NEAP) upang maitaas ang kalidad ng kasanayan ng mga guro sa bansa.
Aniya, “Ang ating pagpapatibay sa National Educators Academy of the Philippines ay isa sa ating mga panukalang hakbang upang matiyak na tuluy-tuloy ang ating pagbibigay ng de-kalidad na pagsasanay sa ating mga guro at school leaders upang maiangat ang kanilang mga kakayahan nang sa gayon ay maiangat din natin ang kakayahan ng ating mga mag-aaral.”
Layunin nito ang mga sumusunod:
Mapataas ang bilang ng mga miyembro ng Teacher Education Council
Maitatag ang National Educators Academy of the Philippines (NEAP) bilang bahagi ng Department of Education (DepEd)
Matiyak ang patuloy na ugnayan sa pagitan ng pre-service at in-service na edukasyon
Magarantiyang inilapat nang patas ang propesyonal na pamantayan para sa mga guro at pinuno ng paaralan
Magsagawa nang malawak na pagsasaliksik na nakadirekta sa kalidad ng guro at pinuno ng paaralan
“Kailangan nating ituring na nasa ilalim ng isang malawakang krisis ang ating sistema ng edukasyon. Hindi na natin kailangang patagalin pa ang pagsulong sa mga reporma dahil kung hindi, patuloy na mahuhuli at mapag-iiwanan ang ating mga mag-aaral,” dagdag pa niya.