ni Lolet Abania | September 9, 2021
Nakapagtala ang Department of Education (DepEd) ng kabuuang 21,034,472 o nasa 80.2 porsiyento lamang ng mga estudyante na nai-record noong nakaraang taon na nakapag-enrol sa ngayon para sa School Year 2021-2022.
Base sa latest data ng DepEd, nasa 15,320,766 estudyante ang nag-register sa pampublikong paaralan; nasa 1,132,632 naman sa pribadong eskuwelahan; at 23,747 sa state universities at colleges kabilang na sa mga lokal na unibersidad at kolehiyo.
Nasa tinatayang 4,557,327 estudyante naman ang nag-sign up para sa early registration. Ang rehiyon na may pinakamaraming enrollees ay Calabarzon na nasa 2,905,646, kasunod ang Central Luzon na may 2,167,516 enrollees at ang National Capital Region na nasa 1,993,601.
Para sa Alternative Learning System, ayon sa DepEd nasa 184,382 o 30.76% ng estudyante noong nakaraang taon ang nakapag-enrol sa ngayon.
Nagbukas na ang klase nitong Lunes, Setyembre 13, habang ang ibang private schools naman ay nauna nang makapagsimula ng kanilang online classes.
Nitong Miyerkules, umapela si DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan sa mga learners at mga magulang na huwag na sanang hintayin pa ang huling araw ng enrollment para makapag-register.
“Right now, the regular enrollment period is up to September 13, on first day of classes. No announcement yet as to late enrollment,” ani Malaluan sa isang mensahe sa mga reporters.
Magugunitang noong nakaraang taon, Oktubre 5 ay nagsimula ang klase o distance learning na ang kabuuang bilang ng mga enrollees ay naitala sa 24.7 milyong estudyante.
Ayon sa DepEd, ito ay nasa 89% lamang ng kabuuang enrollment sa panahon ng School Year 2019-2020.
Sinabi pa ng ahensiya na noong nakaraang taon, tinatayang 398,000 estudyante mula sa private schools ang nag-transfer na lamang sa public schools sa gitna ng COVID-19 pandemic.