ni Lolet Abania | October 19, 2021
Binawi na ng tinatayang 29 eskuwelahan ang kanilang pagsali sa nakatakdang pagsisimula ng face-to-face classes sa Nobyembre 15 ng Department of Education (DepEd) dahilan sa ang kanilang local government units (LGUs) at ilang mga magulang ay tumanggi nang makiisa sa naturang programa.
Sa isang press conference ngayong Martes, sinabi ni DepEd Director Malcolm Garma na nasa 30 paaralan na lamang mula sa 59 eskuwelahan ang magpa-participate para sa pilot face-to-face classes.
“Doon sa 59 na naunang listahan, 30 rito ang magsisimula ng pilot face-to-face sa November 15,” paliwanag ni Garma.
Bukod sa hindi pagsang-ayon ng mga naturang LGUs at mga magulang, ayon kay Garma, ilang paaralan ang nag-back out dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Magugunitang ang DepEd regional offices ay pumili ng kabuuang 638 eskuwelahan para sa pilot run ng face-to-face classes.
Sinuri naman ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH) ang daan-daang paaralan at inaprubahan lamang nito ang 59 eskuwelahan para sa pagsisimula ng face-to-face classes dahil ito sa naitalang minimal o low risk sa COVID-19 ang kanilang lugar.
Matatagpuan ang mga paaralan sa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Soccsksargen Regions.
Gayunman, base sa latest at unofficial information, ayon kay Garma umabot ito sa 70 eskuwelahan na nakatakda sanang magsimula ng face-to-face classes sa Nobyembre 15.
Subalit paliwanag ng opisyal na ang naturang bilang ay maaari pang magbago depende sa LGUs, mga magulang at ang trend ng COVID-19 cases sa mga nabanggit na lugar.
Ayon pa kay Garma, kung pagbabatayan ang kanilang memorandum, layon ng DepEd na magkaroon ng 100 pampublikong paaralan at 20 pribadong eskuwelahan na makikiisa sa pilot run ng face-to-face classes.