ni Jasmin Joy Evangelista | November 26, 2021
Inaprubahan na ng Senado ang panukalang P629.8 bilyong budget ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2022.
Nasa 6% ang pagtaas nito mula sa P595 bilyon na budget noong nakaraang taon.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, pinasalamatan ni Education Secretary Leonor Briones ang Senado sa pagkilala sa pangangailangang ipagpatuloy ang pagpapalawak ng safe face-to-face classes program na nakatutok sa education recovery.
“On behalf of the DepEd family, we thank and welcome our senators inputs for effectively allocating these funds that will surely build upon our capacity to provide the needs of our learners and teachers especially that we are gradually reopening the schools,” ani Briones.
Ayon sa DepEd, ang budget para sa General Management and Supervision nito ay tumaas mula P7.61 bilyon at naging P8.09 bilyon na nilalayon para pondohan ang health at safety needs ng mga paaralan sa pagpapatupad ng face-to-face classes sa susunod na school year.
Naglaan din ito ng P358 milyon para sa bagong likha nitong programa na Priority School Health Facilities bilang tugon sa COVID-19.
Matatandaang sinimulan na ang pilot testing ng face-to-face classes sa mga bahagi ng bansa na low risk at walang naitatalang maraming kaso ng COVID-19.