ni Lolet Abania | March 6, 2022
May posibilidad na magiging maaga ang pagbubukas ng klase para sa Academic Year (AY) 2022-2023, kung magpapatuloy na bumuti ang sitwasyon ng COVID-19 pandemic sa bansa, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Linggo.
Sa isang interview kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, sinabi nitong ang susunod na administrasyon ang magsasagawa ng kinakailangang adjustments kung kailan dapat simulan ang susunod na school year.
“As you know, there will also be an impending transition already of leadership of the DepEd. We will be making our recommendations and the plans based on our decisions. But I suppose that the next administration might still make adjustments to that,” paliwanag ni Malaluan.
“But, posibleng mas mapaaga lalo na kung tuluy-tuloy itong positive development natin sa COVID outlook,” dagdag niya.
Ayon kay Malaluan, ang nakatakdang calendar para sa AY 2022-2023 ay maaaring ilabas sa Mayo o Hunyo, na subject aniya para sa posibleng adjustments o pagsasaayos ng papasok na administrasyon.
Matatandaang sinimulan ang Academic Year 2021-2022 noong Setyembre 13, 2021 na halos huling quarter na ng taon dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.
Nasa tinatayang 25 milyong estudyante ang nag-enrolled para sa naturang school year, ayon sa DepEd.
Iginiit naman ni Malaluan na ang in-person graduation ceremonies para sa AY 2021-2022 ay maaaring payagan kung magpapatuloy din ang pagluluwag ng COVID-19 restrictions.
“That’s a possibility. Medyo hindi pa naman ngayon ‘yan, sa Hunyo pa ‘yan,” sabi pa ni Malaluan.