ni Lolet Abania | March 22, 2022
Mahigit sa 14,000 paaralan sa buong bansa ang handa nang magsagawa ng limitadong face-to-face classes sa gitna ng pa rin ng COVID-19 pandemic, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sa isang interview ngayong Martes kay DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma, sinabi nitong ang DepEd ay patuloy na nagdaragdag ng mas maraming eskuwelahan para sa pagbubukas ng in-person classes.
“As of last week, mahigit 14,000 na ‘yung ating mga schools na maituturing na natin na puwede nang magsimula batay doon sa kanilang assessment,” ani Garma.
Batay sa DepEd, may tinatayang 47,000 pampublikong paaralan habang 12,000 pribadong paaralan sa bansa.
Gayunman, sinabi ni Garma na kailangan ng mga paaralan ang approval ng mga lokal na gobyerno bago sila payagang magbukas ng F2F classes at maaaring ang mga magulang ay piliin pa rin ang distant learning para sa kanilang mga anak.
Binanggit naman ni Garma na ang vaccination kontra-COVID-19 ay hindi required para sa mga estudyante na lalahok sa face-to-face classes.
Ayon pa kay Garma nasa tinatayang 90% ng mga guro ang bakunado na laban sa COVID-19.
Matatandaang dahil sa panganib ng COVID-19 noong 2020, nagpatupad ang DepEd ng distance learning kung saan ang mga estudyante ay hindi na kailangang magtungo sa mga campus para ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Ang kailangan lamang nilang i-accomplish at isumite ay mga learning modules o sumali sa mga online classes.
Noong Nobyembre 2021, nagsimula ang pilot testing ng F2F classes sa mga piling paaralan sa maraming lugar sa bansa.