ni Lolet Abania | April 19, 2022
Iminungkahi na ng Department of Education (DepEd) na gawin ang pagbubukas ng klase para sa School Year 2022-2023 sa Agosto 22, 2022, habang isasagawa ang blended learning na may kasamang mas maraming face-to-face classes.
Sa isang press conference ngayong Martes, iprinisinta ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio ang plano ng ahensiya na school calendar.
Ayon sa DepEd, may 11 linggo na nakaiskedyul sa bawat quarter ng academic year.
Ang first quarter ay itinakda mula Agosto 22 hanggang Nobyembre 4, 2022; ang second quarter ay mula Nobyembre 7, 2022 hanggang Pebrero 3, 2023; ang third quarter ay mula Pebrero 13 hanggang Abril 28, 2023, at ang fourth quarter ay mula Mayo 2 hanggang Hulyo 7, 2023.
Magsisimula naman ang Christmas break sa Disyembre 19, 2022 at magpapatuloy ang mga klase sa Enero 2, 2023. Nakaiskedyul din ang mid-year break mula Pebrero 6 hanggang 10, 2023. Ang end-of-year rites ay gaganapin naman mula Hulyo 10 hanggang 14, 2023.
Sa panahon ng “summer”, ayon sa DepEd, ang remedial, enrichment, o advanced classes ay maaaring gawin mula Hulyo 17, 2023 hanggang Agosto 26, 2023.
Inaasahan naman na magsisimula ang SY 2023-2024 sa Agosto 28, 2023, ayon pa sa DepEd.