ni Mary Gutierrez Almirañez | March 14, 2021
Isinailalim sa ‘disciplinary actions’ ang ilang empleyado ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) matapos lumabas sa internet ang video kung saan makikitang minamadali at hindi inaayos ng mga ito ang pagdi-disinfect ng tren, ayon sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr) ngayong araw, Marso 14.
Anila, "We are assuring the riding public that matters have been taken to prevent a repeat of that unfortunate incident and that the personnel involved are now facing disciplinary action."
Nauna nang iniulat na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 ang ina ng isang empleyado sa MRT-3 na nagdulot ng pagkabahala sa mga biyahero at buong administrasyon ng MRT-3.
Sa ngayon ay sinisigurado ng Department of Transportation ang malinis at maayos na pagdi-disinfect sa lahat ng tren at iba pang pasilidad sa bawat istasyon upang maiwasan ang pagkalat ng virus.