top of page
Search

ni Lolet Abania | June 17, 2021



Mariing tinutulan ng Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) ang panukala ng Department of Transportation (DOTr) na dagdagan ang kapasidad ng mga mananakay sa mga pampublikong transportasyon.


Ayon sa team leader ng i-ACT Special Unit Bravo na si Reynante Sagragao, hindi pa panahon para magdagdag ng mga pasaherong sumasakay sa mga public utility vehicle (PUV) gaya ng mga bus.


“Ang mga commuters, sasang-ayon ‘yan pero on our part, medyo malakas pa ang COVID ngayon, malakas pa ang hawahan,” ani Sagragao sa isang interview ngayong Huwebes.


“Baka mamaya, magpuno ka diyan, mag-uwi pa ng COVID sa pamilya ang mga ‘yan,” dagdag ni Sagragao.


Matatandaang sinabi ni DOTr Secretary Arthur Tugade na hiniling niya sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang 5% hanggang 10% na dagdag na capacity sa mga PUVs.


Ito ang naging tugon ni Tugade sa dumarami ngayong mga pasahero ng PUV, dahil na rin sa muling pagbubukas ng mga negosyo, kumpanya at establisimyento.


Ang i-ACT ay isa sa mga ahensiyang nakatutok sa mga kalsada at nagbabantay sa mga PUVs na mag-o-overloading.


Gayunman, patuloy na sinisilip ng i-ACT ang mga sitwasyon sa mga bus terminal sa Metro Manila, gaya ngayon sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, kung saan wala naman silang nahuling nag-overloading.


Tiningnan din ng grupo ang EDSA Bus Carousel sa Monumento, Caloocan habang mino-monitor ang traffic at pila ng mga pasahero ng libreng sakay kung naipapatupad ang social distancing.


Sinabi rin ni Sagragao na maayos na minamanduhan ng mga enforcers ang mga drivers sa pagdating ng mga bus upang tuluy-tuloy ang sakay ng mga pasahero at hindi humaba ang pila ng mga ito.


Patuloy din ang paalala ng ahensiya sa mga pasahero sa pagsunod sa health and safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield kapag nasa loob na ng bus.


 
 

ni Lolet Abania | June 16, 2021




Pinaplano ng Department of Transportation (DOTr) ang dahan-dahang pagdaragdag ng public transport capacity, matapos ang pagbabawas ng quarantine restrictions ng gobyerno.


Sa isang virtual briefing ngayong Miyerkules, ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, pinag-aaralan na nila kung paanong madaragdagan ang public transport capacity na hindi makokompromiso ang health safety standards.


“Naumpisahan na ‘yan, meron na kaming tinatawag na pag-aaral at a-approach kami sa IATF na kung puwede, dagdagan, say 5%, 10%, and we make it gradual,” ani Tugade. Ayon kay Tugade, nakahanda na ang mga nasa public transport para sa gagawing pagdaragdag ng kapasidad nito, subalit ang pinal na desisyon ay mula pa rin sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).


Sa ngayon, ang mga public transport ay may kapasidad na 50% habang ang NCR Plus bubble -- Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan – ay nasa ilalim pa rin ng general community quarantine (GCQ).


Ang NCR Plus bubble ay mananatiling nasa GCQ hanggang June 30 kahit na may “ilang restriksiyon” na lamang simula June 15, na dating “with heightened restrictions” nitong nakalipas namang araw.


Nitong nakaraang Biyernes, nagkaroon ng mahabang pila sa EDSA Bus Carousel Stations, na ayon sa DOTr ay dahil sa masamang panahon nu'ng araw na iyon.


Bilang tugon, sinabi ni Tugade na bibisitahin nila ang kasalukuyang sistema ng free ride upang pag-aralan kung kinakailangan pang palawakin sa iba pang platforms ang transportasyon maliban sa EDSA Busway.


Gayunman, nakipag-usap na ang DOTr sa EDSA Busway Consortium upang makapag-deploy ng additional units, kasabay ng pagdagdag ng mga transport marshals at marami pang rescue skip buses. “Be assured that we are on our toes in order to address those causes of inconveniences,” sabi ni Tugade.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 10, 2021



Libre ang sakay sa MRT-3 sa Independence Day, June 12, ayon sa Department of Transportation (DOTr) ngayong Huwebes.


Saad pa ng DOTr MRT-3, “Sa darating na ika-12 ng Hunyo 2021, magbibigay ng libreng sakay ang DOTr MRT-3 bilang pakikiisa ng ahensiya sa paggunita ng ika-123 anibersaryo ng proklamasyon ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas.”


Ayon pa sa DOTr, ang libreng sakay ay mula alas-7 hanggang alas-9 nang umaga at mula alas-5 nang hapon hanggang alas-7 nang gabi.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page