ni Madel Moratillo | April 14, 2023
Inirekomenda na ng Department of Transportation ang paglalagay ng platform barriers sa mga istasyon ng tren.
Kasunod ito ng pagkasawi ng isang 73-anyos na ginang matapos tumalon sa riles habang may paparating na tren.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary at MRT-3 officer-in-charge Jorjette Aquino, noong nakaraang administrasyon ay nagkaroon na ng kaparehong proposal pero dahil sa kakulangan sa budget ay hindi ito natuloy.
Kaya ngayon, susubukan aniya nila itong muli.
Tiniyak ng DOTr na ang kanilang security personnel ay mahigpit na ipapatupad ang patakaran na ang mga pasahero ay hindi makatawid sa yellow line sa mga platforms ng train station hangga’t hindi tuluyang nakakahinto ang tren.
Pinaaalalahanan din sila na mahigpit na i-monitor ang mga pasahero kung may kakaibang kinikilos.
Babala ng opisyal, may katapat na penalty sa mga pasaherong sasadyaing pigilin o abalahin ang railway operations.