ni Lolet Abania | July 4, 2022
Nire-review ngayon ng Department of Transportation (DOTr) ang posibilidad ng pagkakaroon ng free bus rides sa mas maraming ruta sa ilalim ng kanilang Libreng Sakay program.
Sa isang interview kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez ngayong Lunes, ipinunto nito na ang budget ng DOTr ay magiging sapat lang para sa umiiral nang mga ruta ng libreng sakay.
“Nire-review ‘yan ngayon sapagkat ‘yung budget na nakalaan, of course through congressional approval at nu’ng nakaraang administrasyon, ay sasapat lang at hindi kasama ‘yung ibang ruta na hinihiling nila ngayon,” paliwanag ni Chavez.
Ayon kay Chavez, makikipagpulong na si DOTr Secretary Jaime Bautista sa mga head ng mga kaugnay na ahensiya upang talakayin ang naturang usapin.
Noong Biyernes, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang extension ng free EDSA Carousel bus rides hanggang Disyembre 2022, kung saan magtatapos sana sa Hulyo 30, 2022.
Aprubado rin kay Pangulong Marcos, ang libre sakay para sa mga estudyante na gagamit naman ng MRT3, LRT2, at Philippine National Railways (PNR) kapag nag-resume na ang in-person classes sa Agosto.
Binanggit din ni Chavez sa interview na hindi naman kakayanin ang free rides para sa lahat sa mga tren dahil aniya, ang MRT3 ay nagkaroon lamang ng P82 million revenue collection nitong Enero subalit umabot ang kanilang gastos sa P722 milyon para sa libreng sakay.
Gayundin, ayon kay Chavez, hindi rin sila makapagbigay ng free rides sa LRT1 sa dahilang ito ay nasa ilalim ng isang concession agreement sa Light Rail Manila Corporation at ang gobyerno ay walang control sa kanilang operation at revenue.