ni Mary Gutierrez Almirañez | May 16, 2021
Hindi sang-ayon ang Department of Trade and Industry (DTI) na gawing mandatory requirement ang COVID-19 ‘vaccine pass’ bago makapasok sa isang establisimyento ang mga konsumer, ayon sa pahayag ni DTI Secretary Ramon Lopez ngayong araw, May 16.
Paliwanag niya, "Kami ho, hindi ho kami sang-ayon sa vaccine pass na gagawing mandatory... Hindi po siguro talaga puwede ‘yun. May issue sa discrimination, pangalawa napakababa pa ng ating percentage na na-vaccinate na population."
Dagdag pa niya, "Siguro, 2% pa lang kasi over 2 million pa lang tayo ng nabakunahan... Kailangan pag-aralan ‘yan ‘pag medyo mataas na ang porsiyento."
Matatandaan namang inihirit kamakailan ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang pagkakaroon ng standard vaccine pass na maaaring i-require ng mga establisimyento para maengganyo ang publiko na magpabakuna.
Kumbaga, tatanggapin lamang ng mga restaurants ang customer na may vaccine pass o ‘yung mga nabakunahan na kontra COVID-19.
Sa ngayon ay tinatayang 2,623,093 indibidwal pa lamang ang mga nabakunahan laban sa virus, kabilang ang 565,816 na mga nakakumpleto sa dalawang dose ng bakuna, habang 2,057,277 naman sa unang dose.