ni Zel Fernandez | April 26, 2022
Umakyat sa mahigit 313,050 international tourist arrivals ang naitala sa bansa matapos muling magbukas ang mga borders ng ‘Pinas sa mga turistang bakunado, magmula noong Pebrero 10 hanggang Abril 25 ngayong taon.
Sa public briefing ng Laging Handa, idinetalye ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na karamihan sa mga dayuhan ay nanggaling sa US, Canada, at South Korea.
Bagaman, malayo pa umano ito sa dating 8 milyong turista na dumayo sa ‘Pinas bago ang pandemya noong 2019, indikasyon pa rin umano ito na unti-unti nang sumisigla ang turismo sa bansa.
“Sa pre-pandemic levels naman with regard to international tourist arrivals, medyo malayo pa kasi nu’ng 2019, we received about 8.26 million tourists. Pero masaya tayo kasi (but we are happy because) at least, we already received 313,050 international arrivals,” ani Romulo-Puyat.
Ayon sa kalihim ng Department of Tourism (DOT), katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ay mahigpit nilang binabantayan ang pagtalima ng mga accommodation establishments sa mga health protocols kontra-COVID-19 bilang pagsiguro sa proteksiyon ng mga turista at lokal na mamamayan sa bansa.
“’Yun na nga syempre paalala pa rin, masaya tayo na we are slowly getting back to normal pero paalala rin that we still really have to follow minimum health and safety protocols,” aniya.
Pagtitiyak ng kawani, sa oras na makakita ang ahensiya ng anumang uri ng paglabag o kapabayaan sa pagpapanatili ng kalusugan at kaligtasan sa mga establisyimento, agad itong pinadadalhan ng show cause order mula sa gobyerno.
Samantala, kung sakali umanong maulit pa ang paglabag ay awtomatiko itong ipasasara.