ni Eli San Miguel - Trainee @News | October 25, 2023
Ibinahagi ng Department of Tourism (DOT) ang magandang balita nitong Miyerkules, na nominado ang Pilipinas para sa apat na kilalang parangal mula sa prestihiyosong World Travel Awards (WTA) 2023.
Ayon sa DOT, nominado ang bansa sa mga sumusunod na parangal sa iba't ibang kategorya: World's Leading Beach Destination, World's Leading Dive Destination, World's Leading Island Destination, at World's Leading Tourist Board.
“We welcome these nominations that show growing global interest and love for the Philippines,” ani DOT Secretary Christina Frasco.
“With the natural beauty of our beaches, dive sites, and islands, the wealth of history, heritage, and culture, the festivals, flavors, and adventures across our diverse regions, every tourist’s journey guarantees a lifetime of memories,” dagdag niya.
Binanggit ni Frasco na higit sa limang milyong Pilipino ang nakahanap ng mapagkakakitaan sa industriya ng turismo. Itinuturing bilang “Oscars” ng travel industry ang WTA, na isang London-based award-giving body na itinatag noong 1993.
Kinikilala nito ang mga natatanging tagumpay sa industriya ng turismo sa tatlong antas: pambansa, rehiyonal, at pandaigdig.
Binuksan noong Oktubre 16 ang botohan para sa world category ng WTA.
Magsasara ito sa hatinggabi ng Nobyembre 17 (GMT).