ni Lolet Abania | June 3, 2021
Nakatakdang ibigay ang nakalaang P350 milyong pondo sa 13 lalawigan para sa pagsasaayos ng mga tulay at provincial roads ngayong taon, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Huwebes.
Sa isang statement, sinabi ng DILG na ang pondo ay nasa ilalim ng Conditional Matching Grant to Provinces (CMGP), isang programa ng gobyerno na layong makadebelop ng tinatawag na ‘state of core provincial roads.’
Ayon sa DILG spokesperson na si Undersecretary Jonathan Malaya, ang CMGP funds ay direktang mapupunta sa mga sumusunod na probinsiya:
• Ilocos Norte
• La Union
• Apayao
• Benguet
• Mountain Province
• Nueva Ecija
• Pampanga
• Tarlac
• Laguna
• Western Samar
• Davao Occidental
• Dinagat Islands
• Agusan del Sur
Hinimok naman ni Malaya ang mga provincial governors na agarang isumite ang mga requirements upang matanggap na ang nakalaang pondo sa kanilang lalawigan.
Sa ilalim ng pareho ring programa, tinatayang 915 provincial road projects na may kabuuang P39.192 bilyon at aabot sa 2,866.91 kilometro ang natapos na, ayon sa ahensiya.
Sa mga nakumpletong proyekto, 91 ay mula sa Region III na nagkakahalaga ng P3.217 bilyon; 85 sa CALABARZON na may halagang P1.888 bilyon; 76 sa Region II na may halagang P2.5 bilyon; 75 sa MIMAROPA na may halagang P3.357 bilyon; 74 sa Region VIII na may halagang P2.5 bilyon; at 74 sa Region X na may halagang P3.151 bilyon.
Dagdag pa ng DILG, 65 proyekto ang natapos din sa Region VI na may halagang P3.116 bilyon; 63 sa Region XII na may halagang P2.907 bilyon; 57 sa Cordillera Administrative Region na may halagang P2.532 bilyon; 54 sa CARAGA na may halagang P2.652 bilyon; at 51 sa Region 1 na may halagang P1.92 billion.
Gayundin, sa Region V, 47 proyekto ang natapos na nasa halagang P2.366 bilyon; 44 sa Region XI na may halagang P2.777 bilyon; 27 sa Region VII na may halagang P2.244 billion; 18 sa Autonomous Region of Muslim Mindanao na may halagang P522.172 milyon; at 14 sa Region IX na may halagang P1.283 bilyon.
Ipinunto naman ni DILG Secretary Eduardo Año ang kahalagahan ng mga naturang proyekto sa komersiyo.
“With better provincial road networks, these infrastructure development will lead to faster economic recovery amidst the COVID-19 pandemic and more peaceful communities in far-flung areas,” ani Año.